Artikulo XV:

Ang Pamilya

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 1

Kinikilala ng Estado ang pamilyang Pilipino na pundasyon ng bansa.  Sa gayon, dapat nitong patatagin ang kaisahan ng pamilyang Pilipino at aktibong itaguyod ang lubos na pag-unlad niyon.

Seksyon 2

Ang pag-aasawa, na di malalabag ng institusyong panlipunan, ay pundasyon ng pamilya at dapat pangalagaan ng Estado.

Seksyon 3

Dapat isanggalang ng Estado:

  1. Ang karapatan ng mga mag-asawa na magpamilya nang naaayon sa kanilang pananalig na panrelihiyon at sa mga kinakailangan ng responsableng pagpapamilya;
  2. Ang karapatan ng mga bata na mabigyan ng kalinga, kasama ang wastong pag-aalaga at nutrisyon at natatanging proteksyon sa lahat ng mga anyo ng pagpapabaya, pag-aabuso, pagmamalupit, pagsasamantala, at iba pang kondisyong nakapipinsala sa kanilang pag-unlad;
  3. Ang karapatan ng pamilya sa sahod at kita na sapat ikabuhay ng pamilya; at
  4. Ang karapatan ng mga pamilya o mga asosasyon nito na lumahok sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga patakaran at mga programa na nakaaapekto sa kanila.
Seksyon 4

Ang pamilya ay may tungkuling kalingain ang matatandang mga miyembro nito ngunit maaari ring gawin ito ng Estado sa pamamagitan ng makatarungang mga pamaraan ng kapanatagang panlipunan.