Kabanata 11:

Los Baños

(Ang Buod ng “El Filibusterismo”)

Ang Kapitan Heneral ay nangaso sa Bosoboso.  May kasama siyang banda ng musiko sapagka’t siya ang pangalawang patrono real ng Pilipinas o kinatawan ng patrono real ng hari.  Walang nabaril na ibon o usa ang Kapitan Heneral.  Ibig na sanang pagbihisang- usa ang isang tao.  Mabuti na raw iyon sapagka’t maawain siya sa hayop.  Ang totoo’y natutuwa siya’t di makikita na di siya makatatama ng ibon o usang babarilin.  Nagbalik sila sa Los Banos.

Noo’y ika-31 ng Disyembre.

Naglalaro ng tresilyo sa bahay-aliwan sa Los-Banos ang Kapitan Heneral, si Padre Sibyla at Padre Irene.  Galit na galit naman si Padre Camorra.  Hindi alam ng huli na kaya nagpapatalo ang dalawang Kura ay sapagka’t nais nilang makalamang sa isa sa pakikipag-usap sa Kapitan ukol sa paaralan ng Kastilang balak ng kabataan.

Samantalang nagsusugal ay pinag-aralan at pinasyahan ng Kapitan ang mga papeles ng pamamahala na inisa-isa ng kalihim pagpapalit ng tungkulin, pagbibigay ng biyaya, pagpapatapon at iba pa.  Saka na ang ukol sa paaralan ng Kastila.  Naroon si Don Custodio at isang prayleng Dominiko- si Padre Fernandez.

Nagalit si Padre Camorra dahil sa isang sinadyang maling sugal ni Padre Irene na ikinapanalo ng Kapitan.  Punyales, si Kristo na ang makipagsugal sa inyo! ani Padre Camorra at tumayo na.

Si Simoun ang pumalit kay Padre Camorra.  Siya ay biniro ni Padre Irene na kanyang itaya ang kanyang mga brilyante.  Pumayag si Simoun.  Wala raw namang maitataya ang Kura.  Ani Simoun: Ako’y babayaran ninyo ng pangako.  Kayo Padre Sibyla, sa bawat limang bilang ay mangangako na kayo’y di kikilala sa karalitaan, kababaang loob, at pagsunod sa kabutihang asal (magmamalabis siya sa maluhong pamumuhay at paggugol, di siya magpapakita ng awa sa mga dukha, at di siya susunod sa mga tuntunin ng kabutihang asal.); at kayo, Padre Irene, sasabihin lamang ninyo na lilimutin ninyo ang kalinisang ugali, ang awa sa kapuwa, at iba pa.  Sa maliit na hinihingi ko’y kapalit ang aking mga brilyante.  At ito (tinapik pa ang Kapitan Heneral), sa limang bilang ay isang vale na limang araw sa piitan (karapatan ni Simoun na mapabilanggo sa isang tao nang limang araw); isang pag-papapiit sa limang buwan; isang utos na pagpapatapon na walang nakasulat na pangalan; karapatan sa isang madaliang utos na pagpapabaril sa isang taong pipiliin ko at iba pa.

Sa kakaibang kundisyong ito ng pagsusugal ay napalapit sina Don Custodio , Padre Fernandez at ang Mataas na Kawani.  Ang huli ay nagtanong kung ano ang mapapala ni Simoun sa kanyang mga hiling.

Para raw luminis ang bayan at maalis na lahat ang masasamang damo, tugon ni Simoun.

Ipinalalagay ng nangakarinig na ang gayong kaisipan ni Simoun ay gawa ng pagkaharang sa kanya ng mga tulisan.  Sinabi naman ni Simoun na nang pigilan siya ng mga tulisan ay walang kinuha sa kanya kundi ang dalawa niyang rebolber at mga bala.  Kinumusta pa raw ang Heneral.  Marami raw baril ang tulisan.  Anang Heneral ay ipagbabawal niya ang mga sandata.  Ani Simoun: Huwag.  Ang mga tulisan ay marangal; sila ang tanging marangal na kumikita ng ikabubuhay nila.  Halimbawa, pawawalan ba ninyo ako nang di man lang kukunin ang aking mga alahas ? Ang kasamaan ay wala sa mga tulisan sa bundok nasa mga tulisan sa bayan at siyudad.

Gaya ninyo, ani Padre Sibylang nakatawa.

Learn this Filipino word:

makunat