"Wikang Filipino sa Pambansang Pagkakaisa"

Bawat buhay, masaya’t malungkot, magulo’t makulay
Ay nakalimbag sa pahina nang kasaysayaan.
Mula sa pagkakasilang patungo sa kamusmusan
Maging sa paglaki, hanggang sa kamatayan.

Isa-isahin ang buhay ng mga dakilang tao sa daigdig
Ng mga paham, siyentipiko, mananaliksik,
O ng mga guro, doctor, abogado, magingisda’t magbubukid;
Bawat isa, may mithin, may parangarap na nais makamit
At isama sa mga butiun di masungkit-sungkit.

Sa bawat panahon
Sa bawat kasaysayan
Sa bawat henerasyon
May palawakan ng isip
May palitan ng paniniwala
May tagisan ng matuwid
Maging ito’y mabunga na tuwa, ng lungkot, ng galit

Sila-sila’y natatago, kayu-kayo’y nagpapangkat
Tayu-tayo’y nag-iisip, nagsusuri, bumabalagkas
Isang diwa ang nagpasya, isang wika ang ginamit
Wikang pilipino! Wikang maka-Diyos, makabayan, makatao
Wikang naglalagos sa isipan makabansa
Wikang nagnunuot sa damdamin makalupa

Kasaysayan pala’y mababago isang saglit
Sa dakong silangan… doon sa silangan
Ang sikat ng araw… sumilip, sumikat, uminit
Naantig ang diwang inaliping higit
Tuminok ang pusong dating di pumipintig
Nagising ang ugat ng hapong mga bisig
Bawat isa’y nagkaisang mailantad sa daigdig
Ang mga pang-aaping sugat niyaring dibdib

Pangkat-pangkat, sama-sama, kapit-bisig bawa’t isa
Kilala’t di-kilala, kaaway at di-kaaway
Mayama’t mahirap, matalino’t mangmang, aktibista’t militar
Nagkaisang ganap sa isang mithing kapanga-pangarap
Propesyonal at di-propesyonal
Mangagawa, kawani, guro, mangangalakal
Estudyante, iskolar, istambay

Sundalo, pulis, drayber, pari, madre, mangingisda’t magbubukid
Nagkaisa, nagkasama
Nagkasama, nagkaisa

Ang wikang ginamit? Wikang Pilipino
Wika ng paglaya ng lahat ng tao
Wika ng pagkakaisa, kabayan ma’t dayo
Wikang tagapagtanggol ng lakas ng tao