Awit ng Manlalakbay
ni Dr. José Rizal
(Tagalog version of “El Canto del Viajero”)
Kagaya ng dahong nalanta, nalagas
Sinisiklut-siklot ng hanging marahas;
Abang manlalakbay ay wala ng liyag,
Layunin, kaluluwa't bayang matatawag.
Hinahabul-habol yaong kapalarang
Mailap at hindi masunggab-sunggaban,
Magandang pag-asa'y kung nanlalabo man,
Siya'y patuloy ring patungo kung saan.
Sa udyok ng hindi nakikitang lunas,
Silanga't Kanlura'y kanyang nililipad,
Mga minamahal ay napapangarap,
Gayon din ang araw ng pamamanatag.
Sa pusod ng isang disyertong mapanglaw,
Siya'y maaaring doon na mamatay,
Limot ng daigdig at sariling bayan,
Kamtan nawa niya ang kapayapaan.
Dami ng sa kanya ay nanga-inggit
Ibong naglalakbay sa buong daigdig,
Hindi nila tanto ang laki ng hapis,
Na sa kanyang puso ay lumiligalig.
Kung sa mga tanging minahal sa buhay,
Siya'y magbalik pa pagdating ng araw,
Makikita niya'y mga guho lamang,
At puntod ng kanyang mga kaibigan.
Abang manlalakbay! Huwag nang magbalik,
Sa sariling baya'y wala kang katalik,
Bayaang ang puso ng iba'y umawit,
Lumaboy kang muli sa buong daigdig.
Abang manlalakbay! Bakit babalik pa?
Ang luhang iniukol sa iyo'y tuyo na,
Abang manlalakbay! Limutin ang dusa,
Sa hapis ng tao, mundo'y nagtatawa.